Pagbuo at Balidasyon ng Tala ng mga Pang-Unibersidad na Akademik at Administratibong Termino at Nomenklaturang Isinalin sa Filipino
Abstract
Mahalaga ang pagkakaroon ng kultura ng pagsasalin sa isang institusyon ng lalong mataas na edukasyon (HEI) para
sa operasyon at stakeholders nito. Mula rito, layon ng pag-aaral na: maklaster ang mga salita alinsunod sa mga umiiral na
kategorya; maisa-isa ang mga konsiderasyong inilapat sa pagsasalin tuon sa posisyon ng salita, konteksto, intensiyon, at
target na mambabasa at tagagamit ng salin; at bilang produkto ng pananaliksik, makabuo ng isang tala ng mga naisaling
termino at nomenklatura (aytem). Isinakatuparan ang saliksik sa pamamagitan ng case study research design, pagkat
maituturing ang nabanggit na gawaing pampagsasalin bilang paniniyasat at pagtataya sa kontekstong pangwika ng isang
unibersidad bilang lokal ng pag-aaral. Matapos maisaayos ang pagtatala at mabilang ang frequency ng mga salita mula
sa nakalap na termino at nomenklatura sa tulong ng AntConc, nakalikom ang mga mananaliksik-tagasalin ng 386 na
mga aytem. Minamahalaga sa pagsasalin ang word order adjustment upang makamit ang kaangkupan, at maitugma ng
pagsasaayos ang kaakmaan nito upang higit na maging katanggap-tanggap ang pagtutumbas. Kabilang din sa mga isi-
naalang-alang ang konteksto at intensiyon ng salin para sa target na mambabasa at tagagamit. Upang matiyak ang kalidad
ng salin, nagdaan ang tala sa balidasyon ng mga panloob at panlabas na validator, nakatamo ang labing-isang kategorya
ng markang Lubos na Tinatanggap. Sa pagtataya naman ng lexical choice, nangunguna ang Tagalog bilang batayang
wika, bagaman ganoon, umiral din ang mga salitang hango sa mga isina-Filipinong Ingles at Kastila na ibinatay ayon sa
sitwasyong pangwika ng pook ng pag-aaral. May mga salita ring nanatili na lamang sa orihinal nitong anyo na bunsod ng
ganap na pag-aangkop mula sa simulaang wika. Sa kabuoan, panimulang pag-aadhika ang proyekto upang magamit ang
wikang Filipino bilang wika ng pamayanang akademik at administratibo, at malunggati ang pagsilang ng isang ingklus-
ibo at transpormatibong institusyonal na palising pangwika.