Wika ng Lahi: Mga Natatanging Termino sa Ilang Piling Ritwal at Paniniwala ng mga Imangali
Abstract
Bawat pangkat ng mga taong naninirahan sa isang komunidad ay may natatanging kaibhan sa wika, paniniwala, mga
ritwal, mga gawain, at ibang sangay ng kultura. Ito ang mga tatak ng isang lahing nagbuklod at nagpakilala sa kanilang
kasarinlan. Ito’y mapapatunayan sa pag-aaral na ito na may layong maidokumento ang mga natatanging paniniwala at
ritwal, matukoy ang mga wikaing ginamit mula pagkapanganak, pag-aasawa, at pagkamatay ng isang Imangali at ang
mga pahiwatig na nakapaloob sa mga wikang ginamit, ganoon din ang mga ritwal at paniniwalang napili.
Kuwalitatibong palarawang pamaraan ang ginamit sa pag-aaral. Pakikipanayam, pagmamasid, at pakikibahagi ang
mga pangunahing instrumentong ginamit. Nakatulong din ang pagbasa sa mga etnograpiya ng Kalinga at mga librong
may kinalaman sa ugnayang wika at kultura.
Natuklasang may labindalawang natatanging wikain sa mga piling ritwal at paniniwala sa panganganak, labing-
isa sa pag-aasawa, at labindalawa sa pagkamatay. Sa kabuuan ay may tatlumpu’t limang natatanging wikain ang mga
Imangali na natatagpuan sa mga piling ritwal at paniniwala. Ang mga wikaing nagamit ay natatangi at walang katumbas
sa ibang wika sapagkat nakaugat ang mga ito sa kanilang kultura, ang pagtangkilik nila sa mga ritwal at paniniwala ay
mga tatak ng kasarinlan na siyang humubog sa kanilang pagiging Imangali. Ang mga naturang termino ay maaaring
isanib o isama sa mga asignaturang kultural at sa iba pang araling panlipunan upang itaas ang pag-unawa, pagtanggap, at
pagpapahalaga sa mga kulturang Pilipino.