Ang Paghiraya sa Bansa ni Don Belong: Pagsusuri ng mga Akda ni Isabelo de los Reyes sa Kanyang Yugto ng Transisyon (1897–1912)

  • Leslie Anne L. Liwanag Central Luzon State University
  • Michael Charleston “Xiao” B. Chua De La Salle University

Abstract

Hangarin ng proyekto ang pagbasa at pagsuri ng mga akda ni Isabelo de los Reyes sa yugto ng transisyon mula sa panahon ng Espanyol tungo sa panahon ng Amerikano (1897–1912). Bukod dito, babalikan ang mga sosyo-historikal na konteskto at pangyayari sa panahong ito upang mabatid ang paghiraya ni de los Reyes sa bansa at lipunang Pilipino. Makabuluhan ang layunin ng proyekto upang maaninag ang isa pang panig ng Ilokanong polimata na nakipagbuno sa loob ng Pilipinas sa ilalim ng panahon ng mga Amerikano. Nahahati sa mga substantibong seksiyon ang papel: 1) nosyon ng nasyon ng Kanluran at kulturang bayan ng lupang sinilangan, 2) mga akda ni de los Reyes na nakapaloob sa yugto ng transisyon, 3) matitingkad na tema at diskurso mula sa mga akda ni de los Reyes, at ang 4) kongklusyon. Higit kailanman, sumulat si de los Reyes sa panahong ito upang makabuo ng matatalas na kaisipan at magmarka sa kasaysayan. Sa gitna ng mga kinaharap na hamon, bumuo ng mga oportunidad ang Ilokanong polimata upang mapagtagumpayan ang mga bagay na pinangarap niya para sa Pilipinas. 

Published
2022-09-22
Section
Monograph