Ang Pagtakas, Pagbalik, at Paghamon sa Realidad ng Panlipunang-Uri sa Konteksto ng Filipino Fandom
Abstract
May malusog na artikulasyon ang paghanga sa kontekstong Pilipino. Umiiral man bilang bahagi ng akademikong pag-aaral o nakapaloob sa isang popular na midyum tulad ng komiks, radyo, telebisyon o pelikula, mayroong sapat na espasyo upang maitampok ang mga fan at mapag-usapan ang mas malawak na kultura ng paghangang aktibo nitong kinabibilangan. Gamit bilang lunsaran ang mga tinipong pananaliksik at salaysaying nag-aalok ng paglalarawan at pagkilates sa mga tagahanga, tatangkain ng sanaysay na makapaghain ng panimulang pag-usisa sa interseksiyon ng paghanga at panlipunang-uri bilang magkakawing na katotohanang kinalulubugan ng fans. Gayong panlipunan at pang-ekonomikong estado ang ilan sa mga kategoryang hindi nabibigyan ng sapat na pansin sa larangan ng Fan Studies na aminadong tali sa pamamayani ng makakasariang pananaw habang isang disiplinang kasalukuyang tumutugon sa panawagang tapikin ang makalahing diskurso, patitingkarin ng papel ang interesanteng konteksto ng Filipino fans at ang masalimuot na anyo ng mga paghangang Pilipino bilang batis ng mayamang datos na maaaring makapuno sa madalas hindi pinapansing siwang sa larang. Siksik sa halimbawa kung paano natatakasan, nababalikan, at nahahamon ng fans ang usapin ng
uri, pinakalayon ng pananaliksik ang lalo pang pagbanat sa hanggahan ng larangan na naninindigan sa halaga ng pagkilala sa inklusibo at maramihang representasyon.